Tungkol dapat sa ibang topic yung isusulat ko ngayon, pero dahil Pasko ngayon, medyo related sa Pasko yung naisip kong isulat ngayon.
Ayun, naisip ko lang kasi na medyo di katulad nung iba, sanay na ako na walang bagong gamit sa Pasko. Hindi ako lumaki sa isang pamilyang may exchange gift (tatlo lang kami sa bahay, only child eh). Hindi ako lumaki na legit na namamasko sa mga ninong at ninang ko. Hindi ako lumaki na binibigyan taon-taon ng regalo tuwing Pasko. Dalawang Pasko lang ang tanda ko na nabigyan ako ng regalo. Yung una, isang libro na may nakalagay pang from Santa Claus, kahit alam kong hindi (trivia: Hindi ako kailanman naniwala kay Santa Claus). Pangalawa ay nung binigyan ako ng dalawang libro, saka isang laruang Batman.
Siguro dahil nasanay na ako, hindi naman ako nalungkot. Hindi naman ako nagtatampo kung bakit di ako nabigyan ng regalo. Sa totoo lang, mas masaya pa ako dahil hindi naging materialistic ang approach ko sa Pasko. Masaya na ako na mag-Noche Buena kami ng nanay at tatay ko. Mas gusto ko pa nga lang na kami lang talaga yung magkakasama eh, ewan ko, feeling ko mas intimate at close yung feeling. Kagabi kasi dun kami nag-Pasko sa bahay ng mga lola ko kasama yung ibang mga kamag-anak namin sa side ng tatay ko. Bukod sa di ko talaga sila ka-close dahil marami sa kanila ay balikbayan, mas feel ko lang talaga na kaming tatlo lang.
Balik ako sa pagiging materialistic ng Pasko. Palagay ko nag-extend na rin yun ngayon sakin sa mismong tingin ko sa buhay. Nung pinapasulat kami sa org sa exchange gift kung anong gusto ko, ang naisip ko lang talaga ay mouse dahil may sira na tong mouse ko. Pagkatapos nun, medyo na-blanko ako. Nilagay ko na lang na “UP shirt na maganda” dahil isa pa lang ang binibili kong UP shirt at “James Harden jersey kahit peke” kasi fan ako ng Rockets at alam kong mahal yung original na jersey.
Masaya ako na hindi ako materialistic. Totoo pala yung sinasabi nila na hindi ka sasaya talaga sa mga materyal lang na bagay. Natawa ako kasi nung iniisip ko kung kelan ba ako bumili ng damit ko na para talaga sa sarili ko, 1st yr college pa, nung bago pa mismo pumasok (bukod sa mga org shirts). Kaya paulit-ulit lang talaga ako ng sinusuot, parang may schedule haha. Kaya lang nagkakaroon ng bago minsan ay kapag natitripan akong bilhan ng tatay ko, o kaya padala abroad. Pati yung sapatos ko na ginagamit ngayon, ni isa wala akong binili. Yung paborito kong isuot, pinaglumaan lang ng tatay ko na sapatos. Yung pang-basketball ko naman, bigay ng tito ko. Pag iniisip ko kung kelan ako bumili o nagpabili ng sapatos, isang beses pa lang naalala ko. Nung highschool yun, nagpabili ako ng black shoes kasi sira na yung suot ko nun.
Di ko naman to sinasabi para magyabang. Gusto ko lang talagang i-share na yung tunay na kasiyahan ay wala talaga sa mga materyal na bagay. Hindi naman to preach post para sabihin na kay Lord ang tunay na happiness, kahit na naniniwala ako dun. Pero matatagpuan din yan sa pamilya, mga kaibigan, sa asawa, o kaya sa sarili mismo.
Yun nga lang, medyo mahirap minsan kapag tinatanong kung anong gusto ko. Kasi bukod sa wala akong maisip at gusto ko sabihin na pera na lang, mas napapaisip pa tuloy ako kung ano talaga gusto ko, as in gusto ko sa buhay. Basta gusto ko maging masaya.
Ayun lang, ang dami kong sinabi. Feeling ko medyo madrama mga susunod pang posts. Ewan ko.
Merry Christmas sa lahat!